Posted by: filculma51g3 | October 5, 2008

Blog #2 :: Chax :: Sex and the City at Kung Fu Panda sa Panahong Tulad Nito

Hindi ko natanto na sa dinadami ng bagay na pwedeng ibenta dito sa atin, ay kahit maliliit na mga gawain na pinagtutuunan natin ng pansin ay nabebenta na rin. Ultimo ang malaman ang karanasang magtrabaho ay naibebebnta na rin.

Oo nga naman, bakit ka manonood ng pelikulang ginawa upang ipakita ang karanasan ng isang tao sa kanyang paghihirap sa buhay? Pero para sa akin, wala namang kaso ‘yon. Kasi intereasdo naman akong malaman kung anong nangyayari sa mga OCW na mga Pilipino. Mabuti naman at kahit papaano ay kumikita ang mga ganitong pelikula. Ang galing talaga ng producers sa pambubulag sa mga manonood.

Inaamin ko, mas madalas akong manood ng mga foreign films kasi mas interesado ako sa mga istoryang ginagawa ng mga foreign producers. Ang huli ngang pelikulang Pinoy na napanood ko ay yung “A Very Special Love” na pinagbibidahan nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo. At least kahit papaano, isa ‘yan sa mga latest na napanood kong local film. Nakakatuwa ang istorya sapagkat hindi pangkaraniwan, hindi ko pa nararanasan ang set up na tulad ng plot sa pelikulang ito. Nakaka-engganyo ang istorya nito at nakakatawa rin. Pero sa katotohanan, pinanood ko lamang ito para samahan ang aking partner. Date na rin namin. Kasi gusto niya ito mapanood. Yun nga, parehas kaming natuwa. Gayunpaman, mas marami talaga akong napanood na foreign films kaysa local films.

Kung mapapansin niyo, madalang na magkaro’n o gumawa ng mga cartoon o animation films ang mga local producers. Sa tingin ko kasi hindi nila kaya at sa tingin ko rin ay hindi naman tatangkilikin ng mga Pilipino. Kaya ang madalas na pinapanood ng mga bata ay mga foreign films din, kasi mas madalas ng gumagawa ng mga cartoon movies ang mga foreign producers. Bata pa lang ay nababahiran na ng pagkabanyaga ang mga kaisipan ng mga kabataan. Wala namang problema do’n, pero sa tingin ko ay nakikita talagang mas natatalo pa tayo ng mga banyaga, dahil ultimo sa pagpapalaki natin sa mga kabataan ay nagagawa nilang magsingit ng kanilang mga produkto, tulad nga nitong mga cartoon o animation films.

At totoo nga naman at kapnsin-pansin ang realidad na ‘pag dumadating ang mga blockbuster movies ng Hollywood, natatabunan nito ang mga sinehan. Nakaranas na ako ng pagkakataon na kung saan ang isang blockbuster Hollywood movie ay pinalabas sa napakaraming sinehan sa isang mall lamang. Biruin mo, nangyayari talaga ‘yon sa totoo buhay. Pero ‘pag mga local films naman, kahit ano pang ganda nito, madalas hanggang dalawang o tatlong sinehan sa isang mall lang ito maipapalabas. Nakakapagtaka ang marketing tactics ng mga banyaga ‘no? Talagang nakukuha nila ang damdamin ng maraming tao sa buong mundo.

Kanya-kanya lamang tayo ng panlasa para sa mga gusto nating bagay. Kahit ano pang bagay ‘yan, basta nagugustuhan natin ay tatangkilikin natin. Mahirap na tin kasing tanggalin sa atinyung pagtangkilik masyado sa mga bagay na dala ng mga dayuhan sa ating bansa, gawa ng mas nakakaengganyo ang mga dala nila kaysa mga bagay na ginagawa dito sa ating bansa. Sa ganitong paraan ay para na rin tayong nagpapasakop sa mga dayuhan, technically.

Sa tingin ko, grabe ang naidulot na impluwensiya ng mga Amerikano sa halos lahat ng mga tao dito sa buong mundo. Nakita naman natin na kahit sa pananalita ay talagang layon ng Amerikanong pag-isahin ang lahat. Kasi biruin mo, kung marunong ka lang mag-Ingles, mabubuhay ka na kung nasa ibang bansa ka.

Balik tayo sa usaping libangan. ‘Yang mga pelikulang pinapanood natin ay madami ring naidudulot sa ating pag-iisip, kasama na riyan ang pag-aspire sa mga bagay na matataas o mahirap maabot pero kaya naman kung pagtatyagaan. May mga pelikula na puno ng moral lessons, na puno ng pantasya, na puno ng mga misteryo, at marami pang iba. Pero marahil, ito ang dahilan kung bakit nahu-hook tayo sa mga pelikulang ito, dahil na rin sa interes natin at sa simpleng panandaliang aliw o libangan.

Kung tuloy-tuloy kayong manonood ng telebisyon araw-araw at papansinin niyo ang mga techniques at genre ng mga pinapalabas dito, malalaman niyo na talagang karamihan sa mga ito ay talagang naimpluwensiyahan na ng Amerikanong pamamaraan sa mga TV shows. Wala namang problema do’n, kaso parang nauubusan na tayo ng sarili nating mga ideya dahil kung gano’n na nahahawaan na nga ng Amerikanong pamamaraan ang ating buhay, eh ‘di para na rin tayong nagpa-kontrol sa mga Amerikano. Hindi ba? Mabuti na lamang at may ilang mga taong talagang malikhain at sadyang matiyaga sa paggawa ng mga orihinal na likhain, tulad na lamang ni Francis Pasion, isa kong kaibigan (na nakasamaan ko ng loob at hanggang ngayo’y ‘di pa naaayos) na siyang nag-direct ng indie film na pinamagatang “Jay”. Nakita niyo naman, nabiyayaan pa ng award ‘to sa ibang bansan, pero dito sa Pilipinas, hindi man lang pinarangalan ito sa larangan na tinatahak nito. Nalaman nga ng mga tao sa pamamagitan ng balita ang karangalan na nakuha nito sa ibang bansan, pero bakit dito, hindi masyadong pinansin? Pero sa tingin ko, kung gano’n, may international quality talaga yung palabas na ‘yon, tama ba? Kasi kung sa ibang bansa tinangkilik siya gaya ng ginagawa natin sa mga foreign movies, eh ‘di marahil nasa mga manonood lang ang problema dahil hindi sila marunong tumangkilik.

Sang-ayon ako na dapat nga mas pinagtutuunan ng pansin ang mga bagay na sumasailalim sa issue ng ating estado at imperialismo. Kasi parang unti-unti na naman tayong nasasakop dahil masyadong pini-please ng gobyerno ang mga dayuhan eh. ‘Yon ang tingin ko ha.

Naniniwala din ako na yung mga pelikula tulad na lamang ng “Caregiver”, “Anak”, at iba pa, ay may hidden agenda na gustong ipamulat sa ating mga kaisipan. Gusto nitong ipaalam sa atin na talagang mahirap mabuhay sa mundo na ito, sa konteksto ng mga Pilipino. Puros sakripisyo ang kailangang gawin upang mabuhay, makapagpadala ng pera sa mga kamag-anak, maka-survive, at iba pa. Pero dahil dito, bumabalik ang usapan sa gobyerno. Naghihirap tayo dahil sa sarili natin, dagdagan pa ng maling pamamahala sa atin ng gobyerno. Kaya madalas na ginagawang mga pelikula ng mga producers dito sa Pilipinas ay hango sa karanasan ng mga tao. Makikita ito kalimitan sa mga indie films, na talaga namang kahanga-hanga sapagkat ipinapakita nila sa mga manonood ang mga suliranin at mga problema, o mga karanasan sa loob ng ating lipunan.


Responses

  1. Kamusta, sa tingin ko ay tama ang iyong napuna sa ating naghihingalong industriya ng pelikula sa Pilipinas. Marami na ngang nagsulputang mga pelikulang banyaga na napakaganda ng pagkakagawa at ginastusan ng malaking halaga na kung titignan mo ay wala namang masama, ngunit sa patuloy nating pagtangkilik sa mga pelikulang ito ay lalo lamang bumabaon sa hukay ang ating mga pelikulang pilipino. Nakakalungkot man ngunit ako mandin ay may kontribusyon sa pagtangkilik sa mga banyagang pelikula sapagkat talaga namang kaenga enganyo ang kanilang mga likha, subalit ako ay mahilig din naman sa mga pelikulang pilipino at lalo na sa mga bagong pelikula ngayon na kung tawagin ay indie film. Gayunpaman ay nasa pagpapaalala na rin ng mga magulang at guro natin na huwag namang kalimutan ang industriyang sariling atin.

    Ako ay may puna o komento rin sa iyong blog nuong setyembre 27 na iyong karanasan sa sinehan sa Alabang Town Center. At ikaw ay aking nilagay sa isa sa aking mga dugtong (links)sa aking mga blogs na http://marvblueseraph.blogspot.com/ at http://remancar.blogspot.com/.
    Nawa’y mabisita mo rin ang aking blog at magandang hapon sa iyo. 🙂


Leave a comment

Categories