Posted by: filculma51g3 | December 1, 2008

Blog #5 :: Madel :: Isang Pagsusuri sa Tekstong “Lumang Mall, Lumang Pilipinas”

Napili kong buksan ang blogsite ng Group 2. Habang tinigtignan ko ang mga blog entry na ginawa nila, napatigil ako nang nakita ko ang unang blog entry ni Philip tungkol sa mall. Naalala ko yung kwento niya sa klase tungkol sa kanyang karanasan sa isang mall. Naalala kong interesante ang kanyang kwento kaya binasa ko ito at ito na rin ang napili ko suriin at ikritik.

Ang kanyang entry ay pinamagatang “Lumang Mall, Lumang Pilipinas?- Ang Aking Pamamasyal sa Harrison Plaza”. Samakatwid, ang mall na napili niya ay ang Harrison Plaza. Sinimulan niya ang kanyang blog entry sa paglalarawan ng nasabing mall. Malinaw at detalyado ang kanyang pagpapaliwanag. Nilarawan niya ang labas at loob ng mall, at ang mga nakapalibot dito. Mas naging epektibo at interesante ang kanyang sinulat dahil nagbigay pa siya ng maikling kasasaysayan tungkol sa mall. Sinabi niya na ayon sa kanyang ina, mayroon nang tatlong dekada nakatayo ang Harrison Plaza at mapapansin ito sa lumang istaktura ng gusaling ito. Napansin ko rin na may pokus ang sinulat ni Philip. Alam niya kung ano at hanggang saan lamang ang kanyang isusulat. Ang pagkakasunod-sunod ng mga pahayag ay malinis at hindi magulo. Para bang talagang pinagplanuhan niya kung paano niya ito sisimulan at tatapusin. Kung tutuusin, aakalain ko na talagang regular siyang gunagawa ng blog entry. Hindi nakakatamad basahin ang mga sinulat niya. Lalo pa itong nagiging interesante dahil sa estilo ng kanyang pagkakasulat. May halo kasing “humor” ang kanyang pagsusulat. Tulad na lamang ng kinekwento niya ang mga prostitute sa loob ng Harrison Plaza na minsan ay inalok siya, kinwento pa daw ng nakakatandang kapatid niya na namimigay pa ng calling card ng iba’t-ibang hotel, motel, apartment o condominium ang mga prostitute na ito. Mayroon pa siyang pahabol na hindi lang daw niya alam kung paano iyon nalaman ng kanyang kapatid.

Marami pang karanasan na naikwento si Philip sa kanyang pamamasyal sa mall. Tila ba palagi talaga siyang nagpupunta dito. Mayroon siyang isang karanasan na naloko sila ng kanyang tatay ng isang tindahan. Bumili sila ng 4 gigabytes na flashdisk ngunit nang inuwi na nila ito sa bahay ay nalaman nilang halos 1 gigabyte lamang pala ang kaya nitong ikarga. At noong bumalik sila ay sila pa ang nasisi dahil sinira daw nila ang flash disk.

Iilang beses na rin akong nakapunta sa Harrison Plaza. Masasabi kong eksakto nga ang paglalarawan ni Philip sa mall na ito. Marami ang nagbebenta ng mga piratang DVD, marami ang nagbebenta ng street food, ng mga cellphone, maraming ukay-ukay, at kung anu-ano pa. Siguro dahil nga sa kalumaan, hindi na ito masyadong naaalagaan at napapanatiling malinis. Pagpasok mo, makikita mong hindi organasido sa mall na ito at ang gitna ay halos tindahan ng ukay-ukay, DVD, samu’t-saring pagkain, at kung anu-ano. Medyo nakakatakot din magpunta dito dahil marami ang kahina-hinalang tao ang mga palaboy-laboy sa mall na ito. Hindi mo masasabi kung ligtas ka dito. Lalo kong nagustuhan ang entry ni Philip tungkol sa karanasan niya sa mall dahil sa bandang huli ng kanyang sinulat ay binigyan niya ng eksplanasyon ang pagpunta ng mga tao sa mall. Ayon sa kanya, ang mga mamimili sa mall ay nagsisilbing simbolo ng pag-asenso ng ating bansa. Pero hindi niya nilahat ang mga tao sa mall. Napansin niya ang mga nakatambay lamang, nakaupo sa tabi-tabi at nanunood ng ibang taong naglalakad. Minsan ay napaghihinilaan pang masamang tao dahil madumi o hindi kaaya-aya ang suot. Nasabi ni Philip na hindi natin maituturing na lubusan na ang mall ay simbolo ng tuloy-tuloy na pag-asenso ng ating bansa. Hindi rin imposible na ang mall ay nagsisilbing pag-asa ng mahihirap na makaraos sa pang-araw-araw nilang pangangailangan. Halimbawa na lang ang mga nagbebeta ng laman sa Harrison na naikwento niya sa kanyang blog entry. Pati na rin ang mga nangloko sa kanila ng kanyang ama tungkol sa flash disk na sinabi ay 4 gigabytes ngunit halos 1 gigabyte lamang pala. Minsan dahil sa kahirapan at kagustuhang umasenso ay nagagawa na ng mga taong ito na ibaba ang kanilang moral at respeto sa sarili at pipiliin na lamang na ibenta ang kanilang sarili o manggulang ng ibang tao. Kahit na alam nating masama ito, hindi rin natin masisi ang iba sa kanila dahil hindi rin madali ang mamuhay lalo na kung pinanganak ka na sadlak sa kahirapan. Hindi mo alam kung ano ang gagawin mo at kung paano ka mag-uumpisa para kumita ng pera. Minsan ay mawawalan ka na ng pag-asa kaya kahit masama ay papatulan mo na para lamang may maipangkain sa araw-araw. Sa blog entry ni Philip, binigyan niya ng kakaibang kahulugan ang mall. Hindi lamang ito simbolo ng umaasensong bansa ngunit maaari rin itong maging representasyon ng kahirapan na hinaharap ng marami sa atin.


Leave a comment

Categories