Posted by: filculma51g3 | December 1, 2008

Blog #4 :: Icy :: Kolokyalismo: Ang Mabisang Wika sa Medya

Ang wika para sa akin ay isang instrumentong may kakayahan at may kapangyarihang magmanipula at gumawa ng isang pamantayan at kahalagahan. Nais kong isaisahin kung paano nangyayari ang tatlong ito.

Sa pagmamanipula, maaari nating banggitin ang halimbawa ng isang diskurso ukol sa mga History books. Sa talakayan sa FILDISK, isa sa aking sabdyek sa De La Salle, sinabi na ang karamihan sa mga History books ng bansa ay hindi gaanong gumagamit ng wikang Filipino. Mismong Filipino ang may-akda ay hindi nagagawang isalin sa wikang Filipino, o gumamit man lang ng wikang ito. Isa pa ay hindi rin nagawang gumamit ng sariling pananaw na kung tawagin ni Zeus Salazar, ang pantayon pananaw. Ano nga ba ang aking punto rito?

Nais kong bigyan ng kahalagahan ang sariling wika sapagkat para sa akin ay ang pagamit nito o at least ang pagbibigay ng effort gamitin ito ay isang malaking hakbang na tungo sa pagpapaunlad ng damdaming makabayan o nasyonalismo ng bansa.

Sa pagamit ng sariling wika, naiimpluwensyahan ang nakararami, ang mga kausap ng gumagamit ng wika, na gamitin din ang sariling wika sapagkat subconsciously nagiging pangkaraniwan na itong gawain, at hindi na magkakaila o mahihiyang gamitin pa. Nagbibigay ng pamantayan ang isang idibidwal sa pagkat napapakita niya na nabibigyan niya ito ng kahalagahan. Paano pa kaya kung ang indibidwal na gumagamit ng wikang iyon ay isang icon, may awtoridad, at may kapangyarihang makaimpluwensya ng nakararami? At paano pa kaya kung ang tao na ito ay nasa medya?

Ang medya ay isa pang makapangyarihang instrumento o pwersa sapagkat marami ang tumatangkilik dito. Ang medya ay makikita mo saan mang sulok ka pumunta- mapaprint ad man, maparadyo, o mapatelebisyon. Kahit nga sa panonood ng pelikula ay subconsciously ay namamanipula ka na rin. Paano kung nagsama pa ang medya at ang wikang Filipino? Eh di masaya! Isa itong napakaganda at epektibong pwersa sa pagpapalaganap ng nasyonalismo tungo sa kaunlaran, pagkakakilanlan, at pagkakaisa ng sambayanang Filipino. Ngunit sa aking palagay depende rin kung papaano mo ito ginagamit.

Kung magtaglish ka lang, hindi rin gaanong epektibo ito kaysa sa wika na ginagamit na pangliteratura o pampanitikan. Sa pagtataglish, maaari itong maunawaan sapagkat napakaconversational ng dating nito. Sa kabilang banda, ang pagamit naman ng pampanitikang wika o ang wikang ginagamit na ng mga dalubhasa sa akademyang Filipino ay napakahirap, para sa akin, maunawaan. Iba na ang lebel ng pakikipagusap at pagsusulat ng wikang Filipino at halos sila-sila na lamang ang nagkakaintindihan.

Napansin ko, sa aking kurso na Philippine Studies, ang mga reading materials sa wikang Filipino ay napakahirap maunawaan. Kahit na sobrang talino ko na at kahit First Honor pa ay ang hirap maintindihan kaagad unless ipaliwanag at italakay pa ng aking propesor sa klase. May mga ibang mag-aaral, gaya ko, na interesado naman at may pagtiyatiyagang matuto, ngunit nawawala ang pagkakataong ito kung hindi naman maintindihan ang wika nang husto.

Para sa akin ang pagamit nga ng wikang Filipino ay magiging useful lamang KUNG magagawa nitong maimpluwensyahan ang nakararami. Sa palagay ko na ang karapat dapat gamitin na antas ng wika ay ang Kolokyal na wikang Filipino na kung saan mauunawaan hindi lamang ng mga matatalino, kundi ang masa na ang karamiha’y hindi nakapagaral.

Maaaring maihalintulad ang aking punto sa pamantayan o kahalagahan (values) na nabuong konsepto ni Landa Jocano. Sinabi niya na ang pamantayan system ng mga Pilipino ay nasa gitna. Hindi sobra at hindi rin labis. Kinakailangan na sa gitna ito upang maunawaan, mabigyan na sapat na importansya at magamit o masundan at matanggap ng mga nakararami. Ganoon din ang wika natin. Para sa akin, ang pagamit dapat ng wika, kapag nais mong makaimpluwensya, sabihin na natin gaya ng Medya, ay dapat pangkaraniwan lamang ang dating nito. Kung gagamitin ang wika sa akademya o ang Pampanitikan na wikang Filipino ay mahihirapan mangyari ang tunguhing ito. Kung wikang Balbal naman ang gagamitin ay hindi naman ata kaakit-akit gamitin at pakinggan. Kung Rehiyonal ay mas lalo lang hindi makarerelate ang nakararami.

Ang wikang Kolokyal na Filipino ay para sa akin ang pinakamabisa na pagpapaimpluwensya sa nakararami. Magiging epektibo ang pagamit nito sa Medya kasi maabot niya ang mga kalooban ng mga tumatangkilik sapagkat ito’y mauunawaan nang husto.

Gusto kong suriin ang Kolokyal na wika na gamit ng dalawang palabas na nagmumula sa ABS-CBN Network, ang Sharon at ang TV Patrol. Napansin ko na pareho lamang ang antas ng wikang ginagamit dito; nagkakaiba lamang ito sa anyo.

Unahin muna natin ang show ni Mega Star Sharon Cuneta. Napansin ko na napakaconversational ang dating ng wikang kolokyal na ginagamit sa tv show na ito. Sa isang episode niya noong ika-9 ng Nobyembre na pinamagatang Girl’s Night Out, na kung saan ininterview ang mga hunks ngayon sa medya na sina Jake Cuenca, Jon Avila, Marc Abaya at Geoff Eigennman .Napakita kung papaano ginamit ang kolokyalismo ng wikang Filipino sa mga interview questions ni Sharon. Karamihan sa mga kalalakihang ito ay gumamit ng kolokyal na wika sa pagsasagot ng mga katanungan. Mismong si Sharon ay nagtataglish kapag kausap ang mga binata. Paminsan din, napansin ko na kung papaano magsalita sa mga katanungan si Sharon, ay ganoon din ang pamamaraan ng pagsagot ng taong tinatanong niya. Napansin ko din na kapag nagsasalita ang isa sa kanila ay straight na Ingles o di naman kaya’y straight na wikang Filipino. May pagkakataong nagkakaroon ng kompromiso ang pag-English at pag-Filipino kayat nagiging taglish paminsan. Gaya na lamang ng mga nabanggit nina Jake Cuenca, “…I mean, given naman yun eh…I just try to do my best,” at Geoff Eigennman, “I’m really shy eh…if you get to know me dun lumalabas ang pagkakalog ko.” Sa paglalagom, tamang-tama lang ang pagamit ng ganitong klase ng wika sapagkat ito ay isang tv show at nagiging mabisa talaga ang Kolokyalismo rito. Mas nakarerelate di lamang ang mga manonood sa telebisyon, kundi ang mga taong naroon din sa studio at nasusubaybayan nila mismo. Mas nagiging  friendly at feel at home ang atmospera ng show dahil sa pagamit ng ganitong klase ng wika.

Sa kabilang banda, ang TV Patrol naman ay gumagamit ng Kolokyal na may pagka-pormal sapagkat deretso ang pagamit ng Filipino rito. Ngunit kung pakikinggan nang husto ay kolokyal pa rin.

Ang pagamit ng wika nina Alex Santos at Bernadette Sembrano ay nasabi kong may pagkapormal sapagkat nagawa nilang magderetso na wikang Filipino, maliban na lamang sa mga teknikal na mga salita sa Ingles tulad ng “flash flood,” “exclusive,” “low pressure area,” at “coronation night ng Miss Earth Beauty Pageant.” Bagamat may mga teknikal na  terms ang ginagamit, understandable ito at tama naman ang timing nito. Hindi rin kumplekado ang wika sapagkat maaari itong magamit sa ordinaryong paguusap ng mga tao. Akala ko nga noong una ay Pampanitikan o Panliterati ang antas na wikang gamit, ngunit hindi rin pala. Sa paglalagom, naisip ko na ang mga palabas na balita ay kinakailangan din nga pala na maunawaan ng nakararami dahil ito ay isang mahalagang palabas na kinakailangang masubaybayan ng mga Filipino para sila ay magkaroon ng malawakang kaalaman at awareness para sa ikabubuti ng bansa at ng mga mamamayan.
Inasahan ko na malaki ang agwat ng pagamit ng wika sa palabas na Sharon at sa TV Patrol. Hindi pala. Pareho lamang ang antas ng wikang iginamit, at ito ay ang kolokyal na wikang Filipino. Napagisipan ko na ang pagamit nito ay isang mahalagang paktor sa pagpkuha ng mga damdamin at atensyon ng mga manonood. Hindi laman nila ito mauunawaan, kundi makapagiimpluwensya ito sa kanila, consciously man, o subconsciously.


Responses

  1. Isang kapiranggot lamang na komentaryo. Tila ang “kahirapan” natin sa pag-unawa ng akademiko o pampanitikang P/Filipino ay dulot ng ating sistema ng edukasyon. Una, ang pagkatuto natin ng Ingles ay mula sa “mataas na uri” ng paggamit nito (mula sa simula hanggang sa maging “honor graduate” tayo sa unibersidad, lagi tayong iwinawasto; bukod dito, itinutuon lagi tayo sa pagbasa ng Ingles — 98% ng mga libro at babasahin na matatagpuan natin sa mga bukstor ay sa wikang Ingles (mas alam natin ang nangyari kay Harry Potter kaysa talagang naiintindihan natin sa tunay na konteksto ng kulturang Ingles; at ang ibinabayad natin upang matuto ng “proper English” ay dolyar o pounds mula sa pawis ng ating mga OFW); hindi rin sa isang katumbas ng “Queen’s English” sa Inglatera o ng itinatatakda ng “Academie Francaise” sa Pransya ang P/Filipinong ating naririnig sa radyo at telebisyon, bukod sa pangyayaring dominado pa ang mga istasyon ng FM ng mga Inglesero. Pangalawa, ang pagkatuto naman natin ng P/Filipino ay direktang mula sa kalye tungo sa mataas na uri ng ating wika (kumbaga, direkta mula sa Harlem tungo sa Harvard — hindi pinararaan sa iba’t ibang baitang ng pagkatutong inaalalayan, cf. ang “wika” ng dalawang Obama na produkto ng isang sistema ng edukasyong Anglo-Saxon, kumpara sa mga “di edukadong” Itim, Latino o kahit na Pinoy na TNT sa U.S.). Pangatlo, ang resulta ng lahat ng ito ay ang maling akala na kung magsasalita at magsusulat ka ng Ingles, kailangang ito ay “mataas na uri” (kung baga sa Aleman, “Hochdeutsch”; kung baga sa Pranses, “un francais chatie”). May pinong pananalita, may hindi. Ang mali natin, para sa mga Inglesero at nasabak sa sistemang kolonyal na edukasyon, ang pino ay para sa wikang kolonyal lamang, yung pabalbal ay o.k. na para sa ating wika. Siguro ang magandang solusyon ay bigyan naman natin ng pagkakataon ang pinong pananalita, habang gawin natin ang gusto natin sa lansangan. Siya nga pala, sa Inglatera alam mo kung sino ang nagtapos sa mga eskuwelahang elit — tulad ng ating mga elit, siyempre, Ingles ang kanilang wika ngunit iba ang “tunog” (na kailanman ay hindi mo magagaya, liban kung nagdaan ka sa sistema tulad halimbawa nina Nehru). Ang punto ay may iba’t ibang antas ng wika sa loob ng iisang wika mismo. Humaba na ito. Paumanhin; marami talaga ang nagugulumihanan sa paksang ating tinatalakay. Siya nga pala, maganda naman ang inyong Filipino, bagamat hindi talaga maiintindihan ng isang kanto boy lamang. Malawak at malalim ang paksa. Pakikontak lang po ako kung nais ninyong magkaroon tayo ng mas seryosong talakayan. Maraming salamat. zas

  2. P.S. Ang buong sistema ng gobyerno — ehekutibo, lehislatibo at hudikatura — ay nasa wikang Ingles pa, habang sa ibang bansa ay nasa wika ito ng bansa mismo (halimbawa na malapit sa atin ay ang Indonesia at Thailand; sikapin ninyong makinig sa isang paglilitis sa dalawang bansa, huwag nang pag-usapan pa ang Hapon at Tsina at kahit na ang dalawang Korea!!!). Resulta nito ay ang pangyayaring Ingles ang wika ng mga namamahala sa atin — at nagpaparusa kapag nagkasala. Siyempre, liban kung gusto nilang maunawaan ng taumbayan ang gusto nilang iparating. Cf. ang mga imbestigasyon sa Mababang Kapulungan at sa Senado. Ang SONA ay kakaiba dahil may pagfifilipino manaka-naka; ngunit sa kabuuan ay sa wikang Ingles ang buong talumpati, kadalasan dahil ang orihinal ay talaga namang sa wikang Ingles. Ikumpara ninyo ang lahat ng ito sa mga deliberasyon ng House of Commons, laluna ng House of Lords. Sa aking pagkaalam, walang bersyong Filipino para sa “foreigners”. Salamat uli. zas

  3. Karagdagan, kung mamarapatin. Kung nasa medya lamang ang modelo ng pananalita (at pag-iisip) — sa pagitan lamang halimbawa nina Sharon Cuneta at Bernadette Sembrano (ipasok pa natin si Ricky Carandang na tila mas mataas ang uri ng pananalita) — saan kaya hahantong ang wikang Filipino? Wala tayong mapapala sa mga pulitiko, kahit na nga (at higit sa lahat!) sa Ingles. Pakenkoy-kenkoy sina Corina. Sa halip ng Hochphilippinisch o ng Philippin “chatie” o ng Filipino ng “Reyna” (alin, yung nanyayari sa Malakanyang?) wala tayong modelo kundi ang ideya ang tunay na mataas na uring wika ay ang Ingles. Kahit sa akademya, alam nating hanggang ngayon ay mga Inglesero pa ang karamihan, di tulad halimbawa sa Pransya kung saan inihahanda at binibigkas ang mga panayam sa wikang ipinapalagay ng lahat na “pino” at “alagang-alaga” (gayundin sa mga sermon ng pari sa simbahan na kadalasan ay masarap pakinggan sa sarili nilang wika). Kung gayon, siguro baka naman makuha nating mga nagnanasa na magkaroon ang Pilipino ng isang tunay na wikang pambasa, ang pagsisikap ng mga susulat dito — at asahan natin na pati ang kanilang pananalita ay umayon o umangkop katiting man lamang sa kanilang paraan ng pagsusulat. Hangga’t mananatili ang dambuhalang pagkakahating pangkalinangan (kung saan ang nasa itaas ay iba ang wika at kultura sa nakarararami) wala tayong pag-asa kundi sa mga nagsusumikap na magsulat at magsalita ng Filipino sa matino at (bakit hindi?) sa magandang paraan. zas

  4. Hindi naman problema ang paggamit ng P/Filipino sa medya. Kailangan ng medya ang P/Filipino upang maabot ang nakararami. Ito ang dahilan kung mas nakararami na ngayon ang mga programa sa P/Filipino sa telebisyon at sa radyo. Napilitan pa nga sa telebisyon na isa-P/Filipino ang mga telenobela at dahil naging popular ang mga ito, isang puwang na ginamit ng mga Hapones at Koreano upang palaganapin ang kanilang mga kinakalakal na mga produktong pangtelebisyon. Pati nga yung klasikong “La vita e bella” ng mga Italyano ay naging patok sa masa dahil isinalin sa P/Filipino.
    Ang problematiko ay naipahiwatig ko na sa itaas at ito ay ang uri ng wikang ginagamit o gagamitin. Nabanggit ko na rin ang aking opinyon sa mga tagapagsalita sa telebisyon at sa radyo. Ang mangilan-ngilan ay nagpapalaganap ng isang uri ng wika na sa kanilang palagay ay ang wika ng nakararami, depende sa kanilang karanasan at sa kanilang opinyon tungkol sa “masa” o “walang pinag-aralan”. Mapanganib ang ganitong kalagayan, higit sa lahat dahil sa wala tayong mga modelo ng pananalita (kahit na nga sa wikang tinatangkilik ng elit, ang Ingles!). Mapanganib din ang kalagayan dahil sa ang mga nakahawak ng kapangyarihan sa estado at sa ekonomiya — at samakatuwid sa medya — ay yaong mga nagpapalagay sa sarila na “mga edukado” (mangyari pa, sa wikang Ingles at samakatuwid dahil na bahiran ng Kanluran ang mga modelo ng “excellence” o pangmataas-na-uri ay hinahanap sa banyaga at hindi sa loob mismo ng kanilang diwa). Sori, kasi napadpad na naman ako rito. zas


Leave a comment

Categories